Minsan lang naman dumalaw ang mga alaala. Dahil madalas, ako 'yung sumusugod sa kanila.
Makulit tayo no'ng bata. Pero mas makulit tayo ngayon. Dati, 'pag sinabi ni nanay na, "O, 'wag kang pumunta ro'n! 'Wag kang pumunta r'yan!" May posibilidad na hindi nga tayo tumuloy. Pero ngayon, kahit pa sabihing alam nating hindi tayo dapat pumunta ro'n, hindi tayo dapat pumunta r'yan, sumasabak pa rin tayo. Alam kasi nating isa sa pinakamahirap sagutin ay ang tanong na nagsisimula sa "Ano kaya kung..."
Parang eksena sa klasrum na kung saan magbibigay ng 90% sa recitation ang guro, alam mo 'yung sagot pero hindi ka nagtaas ng kamay. Parang cake sa handaan na gustong gusto mong tikman, kaya lang nahihiya ka. Hanggang sa naunahan ka na ng iba. Oo, tama. Wala ngang nakukulong dahil sa ayaw sumugal, takot mag-risk, o nangangambang masaktan. Pero gano'n din ang nararamdaman ng mga taong nanghihinayang--bilanggo.
Kaya 'di bale nang masaktan. 'Di bale nang umiyak. Kaysa habambuhay na isipin kung ano'ng kalalabasan ng isang bagay na hindi mo ginawa.
Maniniwala na sana ako sa tadhana--kung sasabihin niyang ikaw ang para sa'kin. Pero kung hindi, e 'di bahala na lang muna siya sa buhay niya. Kasi malay mo, may konsepto rin pala siya ng awa. O 'di kaya, makulitan siya sa'ting dalawa.
Malay mo rin, kapag nagsama ang parehong pwersa natin, mapaniwala siyang tayo nga pala talaga ang para sa isa't isa. Pupuwede ngang hindi nagbabago ang ikot ng mundo. Pero sigurado akong maraming tala sa kalawakan. Hihintayin kong may mahulog na isa, baka sakaling mapagbigyan niya tayong dalawa.
Ikaw 'yung bituin na gusto kong mahulog. Sa akin.
