Sunday, July 3, 2011

Kung Sino Man

Hanggang ngayon 'di pa rin kita kilala
May anim na buwan na yata kitang hindi nakikita
Nakalimutan ko na nga ang hitsura mo
Pero hindi ko alam kung bakit ikaw pa rin ang gusto ko

Lumiko sa kanan para may makitang iba
Bumalik sa sulok kung saan wala ka
Yaman din lamang na nasasayang ang oras ko
Sasayangin ko na lang sa paghihintay sa'yo

Kahit pa sabihing wala naman akong pinanghahawakan
Na para lang akong nakikipagbunong-braso sa buwan
Kahit pa libutin ko ang kalawakan para lang makita ka
Basta ba pagbalik ko rito, kasama na kita

Ayokong isugal ang hindi ko naman pwedeng itaya
Pero ba't ba ako natatakot kung wala namang mawawala
Kuntento na akong ipinipinta ang mukha mo sa alapaap
Mukha mong ni sa panaginip ay hindi ko mahagilap

Ipinaglalapat mo rin kaya ang dalawang kamay mo?
Ipinipikit ang mga mata habang binubulong ang pangalan ko?
Kahit naman hindi pa ngayon, walang dahilan para magmadali
Sa'yo ko lang naman gustong ituon ang aking bawat sandali

Nahintay nga kita ng dalawampu't isang taon
Kaya mahihintay pa rin kita, kahit doblehin mo pa 'yon.
Pero kung hindi man tayo ang para sa isa't isa
Mas nauna naman kitang minahal kaysa sa kanya...

Hindi ka bibitawan.

No comments:

Post a Comment