Noong unang panahon, nagsasalita ang lahat ng bagay sa mundo. Malaya silang nakikihalubilo sa mga tao. Isang tao ang naatasang magbantay sa mga gamit na ito, at iyon ay si Mang Bino.
Libre lamang ang mga kagamitan noon. Pwedeng pwede mong papalitan kahit kailan mo gusto. Gumagalaw ang mga gamit, nakikipag-usap, at nakikisama sa mga taong kumukupkop sa kanila.
Isa lamang ang baryo Samawili sa nakikinabang sa halagang dulot ng mga gamit na ipinahihiram ni Mang Bino. Dito kadalasa’y sama-samang nagtatrabaho ang mga tao. Lahat sila’y magkakakilala. At halos lahat sila’y pare-pareho ang ugali.
Pasikat pa lamang ang araw, lahat sila ay abala na sa kani-kanilang gawain. Si Delfin ay anak ni Aling Selya, isang balong tindera ng saging. Sa kanya bumibili ng bananacue si Marta, isang mag-aaral na anak nina Mang Brosio at Aling Trising, pawang mga magsasaka. Isang magandang umaga, katatapos pa lamang ng bakasyon, lahat ay nagsisikilos na dahil may pasok na sa eskwela. Nag-ring na si alarm klak. Sinabihan siya ni Aling Selya na gisingin si Delfin habang nagbibigay ng utos kina kalan at kawali.
“Aba, bakit ayaw mo pang kumilos kawali? Iyang tainga mo talaga kahit kailan may deperensya!”
“Basa pa po ako e. Hindi niyo po ba sinabihan si basahan na bumaba rito?”
“At bakit ako? Alam mo na palang basa ka pa e hindi ka kaagad umakyat para magpapunas kay basahan? Isang palpak pa, pupunta ka na kay Mang Bino!”
Sa kabilang bahay nama’y maririnig si Martang nagbibigay ng utos sa lahat ng gamit sa kanila, “Hoy, kayo ah, gusto ko pag-uwi ko galing sa paaralan handa na ang kakainin ko! Adobo ang gusto kong ulam. Ikaw platong pula ang gusto kong gamitin. Samahan mo siya, basong asul!” At pagkabigay ng mga habilin ay tumalikod na ito at kinausap naman si pinto, “Ikaw, alam mo na ngang paalis ako bakit nakatunganga ka pa riyan? Isang palpak pa, kay Mang Bino ka na magpapaliwanag!”
Lumipas ang buong maghapon at halos lahat ay pauwi na sa kanilang mga bahay. Si Aling Selya, hindi maipinta ang mukha dahil kaunti lang ang kinita noong araw na iyon. Galit na galit siyang dumiretso sa likod at hinarap si kawali. “Nang dahil sa iyo, barya lang ang kinita ko! Eengot-engot ka kasi! Nagdahilan ka pa na basa ka, na para bang responsibilidad ko ang punasan ka? Hala, lumayas ka! Sabihin mo kay Mang Bino na magpadala rito ng bagong kawali!” Nanggagalaiti siya sa galit at pinagsabihan din ang ibang mga gamit, “Kaya kayo ha! Ayus-ayusin niyo ang trabaho niyo dahil kung hindi, matutulad kayo sa kanya!”
Si Delfin naman na nasa kanyang kwarto ay pinagagalitan si unan, “Ang baho mo, lumayo ka sa akin! Alam mo nang marumi ka, ‘di ka pa nagpalit ng punda? Isang palpak pa talaga, isasauli na kita kay Mang Bino.”
Sa kabilang bahay nama’y kararating lang ni Marta. Pagod na pagod siya dahil malayo ang kanyang nilalakad mula sa eskwela. Pagpasok niya’y hinanap niya agad si tsinelas. Mabilis naman itong lumapit sa kanya.
“Bakit ngayon ka lang?”
“Pero Marta, ikaw ang galing sa labas, ‘di ba dapat ako ang magtanong sa iyo niyan?” sagot ni tsinelas. Sa sinabi niyang iyon ay naghagikgikan ang mga gamit. Sa pagkapahiya, dinampot niya si tsinelas at hinagis itong palabas.
“Diyan! Diyan ka nababagay! Humanap ka ng ibang kukupkop sa iyo! Sabihin mo kay Mang Bino pinalayas kita dahil wala kang modo! At magpadala kamo siya ng bago ngayon din!”
Natulala ang mga gamit, natakot, at napayuko sa sinapit ng kaibigan. “Tandaan niyo, wala kayong karapatang sumagot sa akin ng gano’n! Lalo na kung napakawalang kwenta naman ng inyong sasabihin!”
Umupo siya sa harap ng mesa para kumain. “Pwe! Bakit ang alat nito?” Napabalikwas si toyo at nanginginig na sumagot, “Naku Marta, pasensya ka na, kanina kasi napagkasunduan naming maglaro habag nagtatrabaho. Sa pagtakbo ko’y nadulas ako kaya naparami ang pagbuhos ko. Aayusin nga sana namin ‘yung timpla. Kaya lang narinig namin si Aling Trising na tinawag ka mula sa labas kaya...” Hindi pa man siya natatapos sa kanyang sinasabi ay nagsalita na agad si Marta, “Ibig sabihin halos kanina lang kayo nagsimula? At bakit kayo naglalaro? Kahit kailan hindi ko kayo pinayagang maglaro! Ano’ng kakainin ko ngayon?”
Hindi alam nina suka’t toyo ang gagawin. Muli silang binungangaan ni Marta. “Huwag niyong hintaying kuhanin ko kayo isa-isa. Magsilayas kayo! Sabihin niyo kay Mang Bino na magpadala rito ng mga bagong kagamitan at sangkap! At pakisabi, ayoko sa mga loloko-loko sa trabaho!” Galit na galit ang batang babae, nanggagalaiti.
Sunod-sunod na bumaba mula sa kinalalagyan ang mga sangkap at ilang mga kagamitang nagtulong-tulong para sa pagluto ng adobo. Sina mesa at silya ay umiiyak sa pagpapaalis sa mga matatalik nilang kaibigan. “Hindi malabong mangyari sa inyo iyan. Kung gusto ninyong sumama, ngayon pa lang sabihin niyo na. Marami pa riyang gusto kaming pagsilbihan. Huwag ninyo kong artihan. Hindi ako madadala sa pag-iyak-iyak ninyo!” wika ni Marta kina mesa at silya.
Malungkot na malungkot at nag-iisa si tsinelas. Humanap siya ng lugar na mauupuan dahil hapong hapo na siya. Malayo-layo pa ang kanyang lalakarin para makarating kay Mang Bino. Habang siya’y nagpapahinga, nakarinig siya ng kaluskos sa damuhan.
“O kawali! Ano’ng ginagawa mo rito?” sabik na tanong ni tsinelas.
“Tsinelas, buti nagkita tayo, may kasama na rin ako.” Tinabihan niya ito sa pag-upo at sinabing, “Pinalayas ako ni Aling Selya e. Kasalanan ko raw kasi kung bakit barya lang ang kinita niya ngayon. Siguro gano’n lang talaga ‘pag balo na.”
“Pinalayas ka rin?” tanong ni tsinelas. “Nagkakamali ka kung iniisip mong sumasama ang ugali ng tao kapag balo na siya. Si Marta, iyong anak ni Mang Brosio, initsa niya ako palabas ng bahay dahil lang sa pagsagot ko. Batang bata pa siya, mas matanda pa nga yata ako sa kanya e,” malungkot na pahayag ni tsinelas.
“Bakit gano’n sila? Ginagawa naman natin ang lahat para matulungan sila ‘di ba? Kahit nga hindi natin gawain ginagawa na natin para lang mapasaya sila, pero wala pa rin,” pagda-drama este pagdaramdam ni kawali.
“Ni minsan hindi pa ako napuri ni Marta. Minsan nga pinakiusapan ko si laso na magpasulat kay bolpen ng ‘Hapi Bertdey, Marta’ at itali sa akin, pero tinanggal niya iyon. ‘Di niya nagustuhan,” sabi ni tsinelas. Tumingin si kawali kay tsinelas at sinabing, “Ano kaya kung ‘wag na lang tayong gumalaw? ‘Wag tayong magsalita para matuto silang kumilos mag-isa,” pagbibigay ng suhestiyon ni kawali na agad namang sinang-ayunan ni tsinelas.
“Tama! Sabihan natin ang iba pang mga gamit. Mula ngayon, hindi na nila tayo maaalipusta!” sambit ni tsinelas. Dali-daling tumayo ang dalawa at nilapitan ang bawat gamit na nakasalubong. Inatasan nila ang bawat isa na pasimpleng sabihan ang mga gamit na nasa loob pa ng bahay.
Samantala, si Mang Brosio naman ay inis na inis dahil hindi pa rin nagpapadala si Mang Bino ng bagong itak. “Naku naman, wala pa ba iyong itak ko? Sinusubukan ‘ata talaga ako no’ng isang sinauli ko e. Dapat lang talaga siyang palayasin dahil kahit kailan, hindi siya maaasahan. Hindi na nga siya nagpahasa agad, hindi pa yata sinabi kay Mang Bino na nagpapadala ako ng bago. Ano na ngayon ang gagamitin ko?”
Si Marta naman ay ikinwento ang nangyari kanina sa kanyang ama, “Hay naku ‘tay, iyong tsinelas ko binato ko palabas. Ininsulto ako e! Tapos iyong ibang mga gamit dito pinalayas ko. Pa’no ba naman kasi, palpak iyong ginawa nilang adobo! At hanggang ngayon ay hindi pa nagpapadala si Mang Bino.”
Lingid sa kaalaman ng mga tao, nagkasundo na ang mga gamit at kanila nang ipinaalam ang kanilang plano kay Mang Bino. Dagling lumapit sina tsinelas at kawali kasama nina kalan at mga sangkap sa paggawa ng adobo sa matanda.
“Mang Bino! Mang Bino!” agad na napalingon ang tagabantay sa kanila.
“O, kamusta na kayo? May reklamo na naman ba ang mga tao sa inyo?” tanong niya.
“Naku, Mang Bino, kailan po ba nawalan? Kaya nga po napagkasunduan naming sangkagamitan na hinding hindi na kami magsasalita at gagalaw kahit kailan mula ngayon,” wika ni kalan.
“Sigurado ba kayo riyan? Mahirap yatang palitan ang nakasanayan na. Tatagal ba naman kayo sa plano niyong iyan?” pag-usisa ni Mang Bino.
“Mahirap nga po iyon. Pero Mang Bino, may ipakikiusap lang po sana kami sa inyo. Maaari po bang sa susunod ay magpabayad na kayo kapalit ng aming serbisyo? Tutal matagal na rin po kayo sa inyong trabaho at ni minsan ay hindi kayo naghangad ng kapalit. Baka naman po ngayon na ang panahon para maningil,” sabi ni toyo.
“Pero masama ang iniisip niyong iyan. Paghihiganti iyan,” pangangaral ni Mang Bino.
“Alam po naming ubod kayo ng bait. Pero hindi naman po namin layon ang maghiganti. Nais lamang po namin silang turuan ng leksyon. Kung magpapabayad po kayo, sa gano’ng paraan, aalagaan na po nila kami at hindi na muli pang sasaktan,” pagpapaliwanag ni tsinelas.
“O siya, sige. Napansin ko nga ring masyadong nagiging palaasa ang mga tao. Lagi pang nagrereklamo sa mga ibinibigay ko. Sige, mula ngayon magpapabayad na ako kung iyan ang gusto niyo.”
Nagpalakpakan sa tuwa ang mga kagamitan. “Bago po kami tuluyang hindi magsalita, nais po naming sabihin sa inyo kung gaano namin kayo kamahal,” sabi ni tsinelas.
“Maraming salamat po! Mahal na mahal namin kayo, Mang Bino!” sabay-sabay na sabi ng mga kagamitan.
Mula noon nga’y hindi na nagsalita pang muli ang mga gamit bilang tanda ng lubos na sakit na dinulot ng pakikisalamuha nila sa tao. Nag-uusap-usap sila sa pamamaraang sila-sila lamang ang nagkakaintindihan. Hindi rin sila gumagalaw hangga’t hindi pinipindot o hindi sinusunod ang wastong paggamit sa kanila. Pinag-iipunan na rin ng mg tao ang pambili nila ng bago nilang gamit sa bahay. Sa puntong iyon, nagtagumpay ang mga gamit sa kanilang plano. Ito ay bilang leksyon sa kasakiman at kaabusuhan ng mga tao.
No comments:
Post a Comment