Ikaw 'yung sale na hindi ko naabutan
'Yung numerong hindi ko natayaan
'Yung bus na hindi ko natyempuhan
'Yung sagot na hindi ko nahulaan
Ikaw 'yung sugal na hindi ko naipanalo
'Yung karanasang 'di ko natamo
'Yung gitarang 'di ko naitono
'Yung pangungusap na 'di ko nakumpleto
Ikaw 'yung palabas na 'di ko natapos
'Yung tinodo kong free throw pero kapos
'Yung panghimagas na 'di ko naubos
'Yung bakasyong 'di ko nalubos
Ikaw 'yung salitang hindi ko naintindihan
'Yung tanawing hindi ko nasilayan
'Yung bukas na lagi lang inaabangan
'Yung pag-ibig na hindi ko napigilan.
At kahit naiiwan,
Nalalampasan,
Nalilimutan,
Ikaw pa rin 'yung pag-ibig na hindi ko napigilan.
Hanggang sa maubos.

No comments:
Post a Comment