Thursday, January 5, 2012

Tips Para sa mga Nangangarap

Hindi ako eksperto para simulan ang artikulong ito. Pero Hindi ka rin naman beterano sa larangan ng pangangarap para awatin ako. Confidence. 'Yan ang unang bagay na dapat mayroon ka kung gusto mong marating ang nais mong maabot.

Huwag mong isiping walang patutunguhan ang mga pinaggagagawa mo. Sige ka, hindi rin kami maniniwalang may mararating 'yan. Ikaw ang unang taong dapat maniwala sa sarili mo. Hindi ka dapat ganyan kung umasta, umayos ka. Huwag mong ginugulo 'yung distribution of roles. Hindi ka kontrabida. Actually, wala ka naman sa eksena. Kaya panahon na siguro para gumawa ka ng sarili mo.

Huwag kang matakot na baka walang pumalakpak. Hindi naman lahat ng nagtatagumpay, pinapalakpakan. 'Yung iba, hinahangaan. Kapag pinalakpakan ka, napasaya mo sila. Pero kapag hinangaan ka ng mga tao, bumilib sila sa ginawa mong nakapagpasaya sa'yo. Mamili ka na ngayon kung alin ang gusto mong prize. Out of stock na 'yung trip to Hongkong. Ibang kulay na lang ang mayroon.

Huwag kang ma-intimidate sa layo ng narating ng iba. Dahil tulad mo, nawindang din sila sa umpisa. Hindi nila 'yun na-achieve overnight. Kaya kung mainipin ka, gumawa ka na lang ng yelo. Para maya-maya lang pwede na. At saka, kung 'yun talaga ang pangarap mo, hindi ka naman mababagot hanggang sa dumating 'yung tamang pagkakataon e. Kung ang ilan ay namuhunan ng sipag at tiyaga, sila namang mga nagtagumpay sa larangang pinili nila, nangutang pa ng lakas ng loob. At kapag gusto o mahal mo ang isang bagay na wala pa sa'yo, hinding hindi ka mauubusan ng paghuhugutan noon. Kaya umutang ka na rin, dedikasyon mo lang naman ang collateral. Pero kung gusto mong bahay at lupa, dapat bayad ang amilyar.

Huwag mong naising lumahok sa spoonfeeding program. Hindi gano'n kabait ang mundo. Hindi nito ilalatag sa harap mo ang daan papunta sa pinapangarap mo. Ikaw ang gagawa no'n. 'Di ba exciting? May thrill of the chase. Parang sa pag-ibig.

Wala kang karapatang mag-give up. Wala naman tayo sa racetrack. Wala kang makikitang finish line. Sabi na nga ba dapat "Wala" ang title nito e. O 'di kaya, "Waley".

At tandaan mo, kapag may gusto ka, huwag mong ikahiya. Dahil mas nakahihiya kung mamamatay kang nangangarap. 'Wag mo rin itong iisan-tabi. Dahil tulad nga ng narinig ko sa kusina, "Ang mga ipinagpapaliban, nawawala." Hinanap yata 'yung liempo sa lamesa. Malinis ang konsensya ko, dahil monggo ang inulam ko no'n.

Ang panaginip ay para sa mga tulog. Ang pangarap naman, para sa mga gising. Ang nananaginip ng gising ay para sa fans ng Aegis. Kapag alam 'yung kanta, fan na agad? 'Di ba pwedeng 'Narinig lang sa kapitbahay' muna? Nakatulala sa hangin/ Nagsusumidhing damdamin/ Kahit halik lang ang akin. Pero kung saulado 'yung lyrics, ano'ng tawag doon? Iba na nga yata 'to.

Kaya simulan mo na 'yung unang hakbang ngayon. Available naman dito sa Earth ang lahat ng kailangan mo e. Hindi mo kailangang pumunta pa sa moon. Huwag mong katorpehan ang pangarap mo. Sabi nga ng Magic 8 Ball, "All signs point to yes." Confidence mo na lang talaga ang kulang.



Gawa ka ng sarili mong rainbow.

1 comment:

  1. GRABEEEH!! HANGA KO SA MGA GINAGAWA MO... ALAM MO YUNG KAHIT MAHABA, NAKAKAENJOY BASAHIN.. PARA KANG SI RMAON BAUTISTA.. MAY SENSE LAHAT!! HEHE :)

    ReplyDelete