Thursday, August 18, 2011

Tag-ulan

Liwanag kang sumisilaw sa aking mga mata
Pinababangon ako sa init ng umaga
Ngunit may tanikalang sa aki'y nakagapos
Mga bangungot na hindi maubos-ubos

Pilit kang inaabot sa kabilang bahagi
Ng kamang hindi naman ikaw ang kahati
Madalas kang humihimpil sa isipan ko
Sa sulok na 'di pa nararating ng kahit na sino

Walang pagtilaok tayong naririnig
Nakatikom na nag-uusap tungkol sa pag-ibig
Magkasamang naglalayag sa kawalan
Kapwa may hinahanap na 'di malaman

Malamyos kang tinig na hinahanap-hanap
Humahalughog sa damdaming nakatabing sa mga ulap
Gumigising sa humihimlay na pananampalataya
Muling mahuhulog, babagsak ang mga luha


Mga patak na dapat ay sinasalo.

No comments:

Post a Comment