Sunday, July 3, 2011

Idlip

For Daddy Tommy.
In pace requiescat.

Hindi ko hahanapan ng dahilan
Ang biglaan mong paglisan
Hindi rin ako magdaramdam
Kung umalis ka nang walang paalam

Pero huwag mong hilinging ako'y tumigil sa pag-iyak
Dahil gustohin ko man, kusa silang pumapatak
Paano kung sa panaginip, ika'y magpakita sa akin
Pagdilat ng mga mata, saan naman kita hahanapin?

Dadaan ang pasko, maging ang bagong taon
Pero kailanma'y hindi na magiging katulad noon
Pipilitin na lang naming maging masaya
Sa mga pagdiriwang na hindi ka na namin kasama

Hinahaplos ako ng pighati at niyayakap ng lungkot
Lagi ka sa aking puso, hindi ako makalilimot
Hahalikan at yayakapin kita sa aking panaginip
Gawin mo rin sana ang mga ito habang ako'y naiidlip...


Kahit sa panaginip lang.

No comments:

Post a Comment