Nagpagising ako ng a las cinco
4:46 pa lang, pinababangon mo na ako
Ma, alam mo bang mag-ki-kiss na dapat kami ni Prince Charming?
Kaya lang bigla mo naman akong ginising
Minsan, ginabi ako ng pag-uwi
Nadatnan kitang humihikbi
Akala ko naman kung ano 'yung iniiyakan
'Nay, palabas lang sa TV 'yan!
Ang sakit ng katawan ko
Lalagnatin 'ata ako
'Di makatulog si mommy
Pabalik-balik, 'di mapakali
Tuwing Pasko,
Bago lahat ang gamit ko
Si ermat, 'di binili 'yung bag na gusto niya
Okay na raw siyang makita akong masaya
'Di ko nga alam kung bakit sobrang mahal mo ako
Kung tutuusin, isa lamang akong estranghero
Nakuha mo pa akong kupkupin sa iyong sinapupunan
At nang mailuwal, pinakain pa't binihisan
Kaya 'di ko man madalas na sinasabi
Kinukunsumi man kita parati
Alam mong mahal na mahal kita
Ikaw ang inang hiniling ko sa Kanya
--Isang pagpupugay sa mga Pilipinong nanay.
Habang ako'y karga mo.

No comments:
Post a Comment